Isang araw sa buhay ng isang manggagawa… (pangalawang bahagi)

Limos

May isang oras na yata ako sa pila ng may lumapit sa akin na batang babae. "P’enge po ng pera. Pambili po ng pagkain." Siguro napansin niya ang suot ko at ang dala kong bag. Napag-isip ako. Bibigyan ko ba ang batang ito?

Lumaki ako sa pamilyang mapagbigay sa kapwa. Pero lilinawin ko lang: hindi kami milyonaryo. Kung ano man ang yamang pinakikinabangan namin ngayon ay dahil sa sipag at tiyaga ng aking mga magulang. Magugulat siguro ang marami sa mga kaibigan ko kung malalaman ninyong dating nagtrabaho sa bukid, namasukan sa Aristocrat, at nangalesa ang tatay ko para makapag-aral siya. Sa tulong at awa ng Diyos, naging maganda ang buhay niya. Masuwerte talaga kaming magkakapatid dahil hindi namin naranasan ang hirap na pinagdaanan ng aming mga magulang. Kaya naman ganun kahalaga sa amin ang pagiging matulungin sa kapwa. Kaya imbes na isang magarang handaan sa hotel, nagpasiya akong sa orphanage magdiwang ng debut. Kaya nga siguro di nakapagtatakang paggagamot ang pinili kong propesyon. Pero bakit di ko na lang bigyan ang batang nakatayo sa harap ko?

Alam niyo siguro yung kasabihan sa ingles: “Give a man a fish; you have fed him for today. Teach a man to fish; and you have fed him for a lifetime.” Naipamulat sa akin na malaki ang pagkakaiba ng pagiging matulungin sa pagbibigay limos. Huwag daw magbigay sa mga naglilimos sa kalsada dahil mamimihasa silang umasa na lang sa limos. Hindi na sila magsisikap magtrabaho. Ang sabi pa ay may sindikato pa ito. Hindi naman sa mga bata napupunta ang pera. At ang mga magulang. Hindi ba responsibilidad nila ang mga musmos nilang anak? Tama bang hayaan nila ang mga anak nilang maglaboy kung saan-saan?

Tinanong ko ang bata, "Nasaan ba ang nanay mo? Ang tatay mo?" Gusto ko pa sana siyang usisain pero naisip kong huwag na. Hindi niya ito kasalanan. Itiniklop ng bata ang nakataas niyang palad. "Nasa bahay po." "Sa kanila ka humingi ng pera. Dapat sila ang nagpapakain sa iyo." Hindi ko alam kung naintindihan niya ang mga sinabi ko. Nakita ko ang simangot niya sa mukha habang naglakad papalayo. Mukhang ganito na ang nakasanayan niyang buhay at hindi ko ito mababago kahit maghapon ko pa siyang kausapin. Hindi ko inaasahang maintindihan niya ang kasakimang ipinakita ko sa kanya. Nasa kanya na iyon kung isipin niyang masama akong tao. Tahimik ko na lamang siyang pinagdasal: Kayo na po ang bahala sa kanya

Isa ito sa mga isyung makabuluhan para sa akin. Napag-isip ako dahil ganito ang magiging buhay ko sa darating na mga taon. Sa aking naging karanasan noong internship at pre-residency, napapatagal at nakokompromiso ang pagpapagamot ng pasyente dahil sa kakulangan ng perang panglaboratoryo at pambili ng gamot.  Marami sa kanila ang galing sa malalayong lugar na pinilit makapunta sa PGH dahil akala nila libre ang gamot dito. Sa PGH, kahit may "white card" ang pasyente, may bayad pa rin ang mga laboratoryo at gamot. Isipin niyo na lang, dadating sila sa ospital na malubha na o naghihingalo ang pasyente. Lilinyahan ang anak nila, (minsan tinutubo), kukunan ng dugo. Bibigyan sila ng mga request para sa laboratoryo at mga riseta para sa mga gamot, habang ipinapaliwanag kung para saan ang mga ito. Hindi mo alam kung maiinis ka o maaawa dahil matapos mong magsalita, ayun, nakatayo pa rin sila sa harap mo. Hindi mo alam kung narinig o naintindihan ba nila. Ang iba nakatitig lang sa iyo, ang iba nakatingin sa papel, ang iba nakatungo. Tatanungin niyo sila. Ang sasabihin, "E, wala po kasi kaming pera." Madalas na nangyari sa akin na ako na ang sumalo ng pambayad sa mga laboratoryo ng mga pasyente. Alam kong hindi dapat ganun. Madalas akong pagsabihan ng mga kaibigan ko. Naiintindihan ko at sinusubukan ko namang magbago. Para na rin kasing paglilimos ito, diba? May mga bantay ngang dahil alam nilang magbibigay ka rin, sinasabi nilang wala na silang pera. Sinasabihan ko rin naman ang mga nanay at tatay na gumawa sila ng paraan. Pero mahirap para sa akin ang hayaan na lang sila, lalo pa’t buhay ng pasyente ang nakataya. Madalas nananaig ang awa. Umabot ako sa puntong isang daan na lang ang naiwang pera ko. Hindi naman ako naghihinayang dahil masaya ang pakiramdam ng nakatulong sa kapwa. Pero hanggang saan nga ba dapat tayo tumulong? Ano nga ba ang tama o mali?

One Response to “Isang araw sa buhay ng isang manggagawa… (pangalawang bahagi)”

  1. Jaives Says:

    Beautifully written and a sentiment I share as well. Minsan gusto ko na lang pagalitan sila na umaasa na lang sa limos at awa. may isa sa may shaw, hindi na umalis sa kinalalagyan nya dahil kumikita siya kahit tulog sa matigas na semento…

Leave a Reply