Isang araw sa buhay ng isang manggagawa… (unang bahagi)

(Sa mga susunod na blog, susubukan kong magsulat sa Tagalog. Wala lang.)

Kelan lang, pumunta ako sa Quezon City Hall para kumuha ng NBI clearance. Dapat pala maaga akong nagpunta dahil mahaba na ang pila. Medyo kinabahan ako dahil  bukod sa unang pila, may 5 pang himpilan. May lakad pa ako sa hapon (manonood kami ng Harry Potter!) at di ko alam kung matatapos ako agad. Sinabi ko na lang sa sarili ko, Bahala na, at hinanap ang dulo ng pila. Humigit-kumulang 30 tao ang nauna sa akin. Orange ang kulay ng t-shirt ng lalaking nasa harap ko. Tumingin ako sa mga taong nakapaligid sa akin. Iba’t-ibang klaseng tao ang nandoon. Halos lahat may hawak na plastic envelope na may lamang mga papeles: bio-data, police clearance, atbp. Naisip ko, ito ang mga manggagawang PInoy. Tinitiis ang tumitinding init ng araw at ang pag-asim ng sikmura. At kasama ako sa kanila! Hindi ko alam pero nakaramdam ako ng tuwa. Uy, excited. Isa na namang magandang karanasan ito para sa akin. Biglang sumagi si isip ko ang kantang Pinoy ako, pinoy tayooo… Natigilan ako. Yuck, ang J. Napangiti na lang ako sa sarili. Sana walang nakapansin sa akin at baka isipin pa nilang may tama ako. Grabe ang init noon. Masuwerte at matalino ang mga nagdala ng pamaypay. Naisip ko, Naku, sana wala namang himatayin dito. Kahit duktor ako (handang tumulong sa sinumang bumulagta), ayoko atang masabak sa ganung sitwasyon sa panahong iyon, sa lugar na iyon. Ako ata ang hihimatayin. Dapat pala nagbaon ako ng kendi. Napansin kong may mamang nagbebenta ng mga kendi sa may silong. Ang galing mo, mama. Binuklat ko ang dalang librong The Camino para hindi mainip. (Ganun kasi ako, pag alam kong may pila ang pupuntahan ko, lagi akong nagdadala ng libro.) Hindi ko kinayang magbasa nang tuloy-tuloy dahil sa init kaya paminsan-minsan, tumitigil ako’t napapalingon sa paligid. Linoko ako ng pinsan kong magpatulong na lang kami. Magpalakad sa loob. Baka raw abutin kami hanggang hapon. Hindi ako pumayag. Minsan ko lang gagawin ito. Gusto kong maranasan ito ng walang daya. Nakita kong may mga dumating na mukhang mayaman. Magaganda ang suot, naka-gel ang buhok o kaya may make-up ang mukha. Mukhang may hinahanap sila. Hmm, sino kaya?… Mabagal ang pag-usad ng pila. Maya-maya may lumabas na mama galing sa loob, may hawak na resibo at tinawag ang mga pangalan dito. May mga taong alam kong kakarating pa lang ay doon na agad sa pangalawa’t pangatlong estasyon pinapunta (yung may fingerprinting). Tinuro sila sa akin ng pinsan ko. "Tingnan mo sila. Tapos na agad." Para bang may gustong iparating. Hay, hayaan mo sila. Napansin kong may bahid na ng pawis ang t-shirt ng nasa tapat ko. Hindi pa naman siya nangangamoy kaya okay lang. Nagpatuloy na lang ako sa pagbabasa…

Leave a Reply